Nagbabala si UN Secretary-General Antonio Guterres nitong Martes: “Gaza is now a killing field.” Ang dahilan? Ayon sa kanya, mahigit isang buwan na walang pumapasok na pagkain, gamot, o gasolina sa Gaza dahil sa patuloy na pagharang ng Israel.
“Habang natutuyot ang ayuda, bumubuhos naman ang karahasan,” saad ni Guterres. Giit pa niya, may tungkulin ang ‘occupying power’ (tinutukoy ang Israel) na siguraduhing may pagkain at gamot ang mga tao sa Gaza — alinsunod sa Geneva Conventions.
Pero sagot ng Israel: “Walang kakulangan ng ayuda sa Gaza.” Ayon kay Oren Marmorstein ng Israeli Ministry of Foreign Affairs, ginagamit lang daw ito ng Hamas para “palakasin ang kanilang war machine.”
Ibinunyag din ni Guterres ang umano’y plano ng Israel na kontrolin ang ayuda hanggang sa bawat butil ng bigas at calorie — isang hakbang na tinawag niyang “malupit at labag sa prinsipyo ng makataong pagtulong.”
Dagdag pa ng UN chief: “Hindi kami papayag sa kahit anong kasunduan na hindi patas, makatao, at malaya.”
Nagbala rin si Guterres tungkol sa West Bank: “Delikado na itong matulad sa Gaza.” Aniya, panahon na para tapusin ang gulo, iligtas ang mga sibilyan, palayain ang mga bihag, at muling ibalik ang tigil-putukan.