Iminungkahi ni Senador Raffy Tulfo ang pagtanggal ng travel tax para sa mga pasaherong naka-economy class, dahil aniya’y dagdag pabigat ito sa karaniwang Pilipinong biyahero.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 88, binigyang-diin ni Tulfo na sapat na ang iba’t ibang buwis na binabayaran ng mga mamamayan tulad ng income at consumption taxes, kaya’t hindi na makatarungan ang paniningil pa ng travel tax sa mga nagtitipid na pasahero.
Nilinaw naman ng senador na hindi tuluyang aalisin ang travel tax. Sa halip, mananatili ito para sa mga pasaherong nasa business class o mas mataas pa, na mas may kakayahang mag-ambag sa pondo ng gobyerno.
Ayon kay Tulfo, magpapatuloy pa rin ang pondo para sa TIEZA, CHED, at NCCA, habang nababawasan ang pasanin sa bulsa ng karaniwang Pilipinong bumiyahe.
