Iimbestigahan ni Senador Erwin Tulfo ang mga casino na umano’y hindi nag-uulat ng kahina-hinalang transaksyon at ginagamit umano ng ilang opisyal ng gobyerno para ipalusot ang nakaw na pondo. Ayon kay Tulfo, daan-daang milyong piso ng pondo ng bayan ang nilustay ng ilang opisyal ng DPWH-Bulacan sa pagsusugal gamit ang pekeng ID.
Tinukoy ng senador sina District Engineer Henry Alcantara, Assistant Engineer Brice Hernandez, at Project Engineer Jaypee Mendoza na paulit-ulit nagdadala ng milyon-milyong cash sa casino linggo-linggo ngunit hindi man lang nai-report sa Anti-Money Laundering Council (AMLC). Giit ni Tulfo, pinili ng mga casino na manahimik dahil malaking kita ang kapalit.
Samantala, inamin ng AMLC na wala silang tauhan sa loob ng mga casino at hindi rin nila nasusuri ang lahat ng transaction reports dahil sa dami nito. Tanging mga kaso na may kinalaman sa korapsyon at terorismo ang inuuna nilang imbestigahan.
Sa gitna ng kakulangan sa budget ng AMLC para 2026, iginiit ni Tulfo na dapat higpitan ang pagbabantay upang hindi gawing “money laundering hub” ang mga casino para sa public funds.