Nagpahayag ang China nitong Miyerkules, Enero 22, na dapat itigil ng Pilipinas ang pagkalat ng umano’y walang basehang paratang kaugnay ng pagkakaaresto sa isang Chinese national na inakusahan ng espiya sa Luzon.
Ayon kay Mao Ning, tagapagsalita ng Foreign Ministry ng China, palaging hinihikayat ng kanilang pamahalaan ang mga mamamayang Tsino na sumunod sa mga batas ng bansang kanilang kinaroroonan.
Hinimok din ni Mao ang mga awtoridad ng Pilipinas na protektahan ang karapatan at interes ng mga mamamayang Tsino sa bansa.
Noong Lunes, Enero 20, ibinunyag ng mga opisyal ng militar at tagapagpatupad ng batas na inaresto ang isang Chinese national at dalawang Pilipino dahil sa umano’y espiya. Pinaghihinalaan silang nagsagawa ng surveillance sa mga pasilidad ng militar at sibilyan, kabilang na ang mga lugar kung saan matatagpuan ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites.
Kinilala ang Chinese national na si Deng Yuanqing, na umano’y gumugol ng mahigit isang buwan simula Disyembre 2024 sa pagmamapa ng mga lokasyon mula hilagang Luzon hanggang rehiyon ng Bicol. Ayon kay Col. Francel Magareth Padilla, tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines, matagal nang naninirahan si Deng sa Pilipinas nang higit isang dekada at may asawang Pilipina.
Samantala, iniulat ng Bureau of Immigration nitong Miyerkules na si Deng ay pabalik-balik sa Pilipinas simula pa noong 2015.
Sinabi naman ni BI Commissioner Joel Anthony Viado na hindi pa ipade-deport si Deng hangga’t hindi nareresolba ang mga kasong isinampa laban sa kanya sa lokal na korte.
Si Deng at ang dalawa niyang kasamahan ay naaresto sa isang condominium sa Makati City noong Enero 17. Kabilang sa mga nakumpiska sa kanila ay isang sasakyang may locator at mapping devices na may kakayahang tukuyin ang mga lokasyon nang eksakto hanggang sentimetro.
