Bumaba ang tiwala ng publiko kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Pangalawang Pangulong Sara Duterte batay sa pinakabagong Social Weather Stations (SWS) survey para sa ikatlong quarter ng 2025.
Ayon sa survey na isinagawa noong Setyembre 24–30, 43% ng mga Pilipino ang may tiwala kay Marcos — mas mababa kumpara sa 48% noong Hunyo. Si Duterte naman ay bumaba mula 61% tungo sa 53%.
Tumaas din ang bilang ng mga respondent na may “mababang tiwala” sa Pangulo (mula 30% naging 36%) at sa Pangalawang Pangulo (mula 23% naging 28%). Sa net trust rating, nakakuha si Duterte ng +25, habang si Marcos ay +7 lamang.
Pinakamataas ang tiwala kay Marcos sa Luzon (51%), habang pinakababa sa Mindanao (27%). Si Duterte naman ay patuloy na malakas sa Mindanao (82%), kasunod ang Visayas (56%).
Ayon kay Presidential Communications Undersecretary Claire Castro, hindi pinapansin ni Marcos ang mga numero at mas mahalaga umano sa kanya na maramdaman ng taumbayan ang presensya ng gobyerno.
Tumanggi naman si Duterte na magbigay ng dahilan sa pagbaba ng kanyang rating habang naghihintay pa ng desisyon ang Korte Suprema sa kanyang impeachment case.
Ayon kay Stratbase president Dindo Manhit, ang resulta ng survey ay nagpapakita ng pagbabago sa damdamin ng publiko tungo sa kasalukuyang liderato.
