Iginiit ni Pangulong Donald Trump noong Sabado na hindi papayag ang Estados Unidos sa patuloy na pag-usig sa Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu dahil sa mga kasong korapsyon.
Sa kanyang Truth Social post, sinabi ni Trump, “Ang US ay gumagastos ng bilyon-bilyong dolyar kada taon para protektahan at suportahan ang Israel—higit pa kaysa sa kahit anong bansa. Hindi namin papayagan ito.”
Noong Biyernes, tinanggihan ng isang Israeli court ang kahilingan ni Netanyahu na ipagpaliban ang kanyang pagdinig sa kaso. Kinasuhan si Netanyahu at ang kanyang asawa na si Sara ng pagtanggap ng mahigit $260,000 halaga ng luxury goods tulad ng sigarilyo, alahas, at champagne mula sa mga bilyonaryo kapalit ng mga pabor sa politika. Sa dalawa pang kaso, inakusahan si Netanyahu ng pagtatangkang makipagkasundo sa dalawang Israeli media para sa mas paborableng coverage.
Iginiit ni Netanyahu na walang sala siya at nagpasalamat kay Trump sa suporta nito sa digmaan laban sa Iran, na nagtapos sa isang ceasefire agreement nitong nakaraang linggo.
Humiling ang abogado ni Netanyahu na palagpasin ang lider sa mga pagdinig sa loob ng dalawang linggo para makapagpokus siya sa mga “isyu sa seguridad.”
Dahil dito, tinawag ni Trump ang kaso bilang isang “witch hunt” o politikal na paniniktik. Tinawag din niyang “War Hero” si Netanyahu at sinabi na makakaabala ang kaso sa mga negosasyon laban sa Iran at Hamas, ang grupong Palestino na nakikipagdigma sa Israel.
Bagamat hindi malinaw kung ano ang negosasyon laban sa Iran na tinutukoy ni Trump, patuloy ang negosasyon para sa pagbalik ng mga hostage na hawak ng Hamas mula sa kanilang pag-atake noong Oktubre 7, 2023.
Ikinumpara rin ni Trump ang mga legal na problema ni Netanyahu sa sariling karanasan niya ng paniniktik bago ang kanyang ikalawang termino bilang presidente, kung saan nahatulan siya sa 34 counts ng falsifying business records noong Mayo 2024.
Bukod dito, hinarap ni Trump ang dalawang federal cases, isa na may kaugnayan sa pag-attempt niyang baligtarin ang resulta ng 2020 presidential election na natalo siya kay Joe Biden.
Sa kabila ng kontrobersya, patuloy ang suporta ni Trump kay Netanyahu habang nilalabanan nito ang mga kaso sa korte.