Site icon PULSE PH

Trump, Nagbigay ng Huling Babala sa Hamas!

Nagbigay ng matinding pahayag si US President Donald Trump nitong Linggo, kung saan tinawag niyang “huling babala” ang panawagan niya sa grupong Hamas na tanggapin na ang kasunduan para sa pagpapalaya ng mga bihag sa Gaza.

“The Israelis have accepted my terms. It is time for Hamas to accept as well… This is my last warning,” ani Trump sa social media, bagama’t hindi niya idinetalye ang mga posibleng kahihinatnan.

Kasunod nito, naglabas ng pahayag ang Hamas na handa na silang “agad makipag-usap sa negotiating table” matapos makatanggap ng ilang ideya mula sa panig ng Amerika para sa isang ceasefire agreement.

Ayon sa ulat ng Axios, nagpadala ng bagong panukala ang White House envoy na si Steve Witkoff sa Hamas noong nakaraang linggo. Bagama’t walang inilabas na detalye ang White House, sinabi ni Trump na “good things could happen” at kumpiyansa siyang magkakaroon ng kasunduan sa Gaza “very soon.”

Samantala, nagpahayag ng suporta ang Hostages and Missing Families Forum sa naging pahayag ni Trump, at tinawag itong isang “true breakthrough.”

Matatandaang noong October 7, 2023 attack, 251 bihag ang dinukot ng Hamas; 47 sa kanila ay pinaniniwalaang nasa Gaza pa rin, kabilang ang 25 na patay na ayon sa Israel.

Habang nagpapatuloy ang negosasyon, lumalakas naman ang opensiba ng Israel sa Gaza City, kung saan isa na namang residential tower ang binomba nitong Linggo. Ayon sa Gaza civil defense, 48 ang nasawi sa mga pag-atake sa araw na iyon.

Sinabi ni Israeli PM Benjamin Netanyahu na higit 100,000 residente na ang lumikas, ngunit inakusahan niya ang Hamas na ginagamit ang mga sibilyan bilang “human shields.”

Ang lumalalang sitwasyon ay nagdudulot ng pangamba na lalo pang tataas ang bilang ng mga sibilyang biktima. Batay sa datos ng Gaza health ministry, mahigit 64,000 na Palestino na ang nasawi mula nang magsimula ang opensiba ng Israel — karamihan ay sibilyan.

Exit mobile version