Uminit ang tensyon sa pagitan ng Estados Unidos at Europa matapos bantaan ni US President Donald Trump ang ilang bansa ng taripa na aabot sa 25% kaugnay ng hangarin niyang mapasailalim sa US ang Greenland, isang teritoryo ng Denmark.
Ayon kay Trump, simula Pebrero 1, papatawan ng 10% taripa ang mga produktong mula sa Denmark at iba pang bansang Europeo tulad ng Germany, France, UK, at Sweden. Itataas ito sa 25% pagsapit ng Hunyo 1, 2026, at mananatili umano hanggang sa magkaroon ng kasunduan para sa “kumpletong pagbili” ng Greenland.
Kasabay ng pahayag, libo-libong tao ang nagprotesta sa Greenland at Denmark, mariing tinututulan ang plano ng US. Sa Nuuk, kabisera ng Greenland, nagtipon ang mga residente—kabilang ang punong ministro ng teritoryo—bitbit ang bandilang Greenland at mga plakard na may mensaheng “Greenland is not for sale” at “Make America Go Away.”
Mariing tinuligsa ng mga lider ng Europa ang banta ni Trump. Tinawag ito ng France na “hindi katanggap-tanggap,” habang iginiit ng Sweden na hindi sila magpapaintimidate. Nagpahayag din ng buong suporta ang European Union sa Denmark at sa mga mamamayan ng Greenland, at agad na nagpatawag ng emergency meeting ang EU.
Giit ni Trump, kailangan umano ng US ang Greenland para sa “national security,” isang pahayag na tinututulan ng mga Greenlander. Ayon sa pinakahuling survey, 85% ng mga taga-Greenland ang tutol sa pagsali sa Estados Unidos.
Habang bukas si Trump sa negosasyon, malinaw ang mensahe ng Europa at Greenland: iginigiit nila ang soberanya at karapatan sa sariling pagpapasya.
