Nagbabala si US President-elect Donald Trump laban sa Gaza militants noong Lunes, na magbabayad sila ng malaking parusa kung hindi palalayain ang mga hostage bago ang kanyang inauguration sa Enero 20, 2025.
Sa kanyang Truth Social post, mariing sinabi ni Trump: “Kung hindi pakakawalan ang mga hostage bago ako manumpa bilang Pangulo, asahan ninyo ang all hell to pay sa Gitnang Silangan. Walang makakaligtas sa aming galit. PALAYAIN ANG MGA HOSTAGE NGAYON!”
Ang babala ni Trump ay kasunod ng bigong negosasyon sa ilalim ng administrasyong Biden, na hindi nakapagligtas sa 97 hostage na hawak pa rin ng Hamas sa Gaza. Ang mga hostage ay bahagi ng atake noong Oktubre 7, 2023, kung saan 1,208 ang namatay sa Israel.
Bilang suporta sa Israel, nangako si Trump na magiging mas matatag ang kanyang pamumuno sa usaping ito, at itutulak ang makasaysayang mga hakbang sa global diplomacy. Sa kabila nito, patuloy ang tensyon sa Gaza, kung saan higit 44,000 na ang nasawi dahil sa kampanyang militar ng Israel.