Nanawagan si US President Donald Trump na mag-move on na ang publiko mula sa Jeffrey Epstein scandal, kahit patuloy itong nagdudulot ng epekto sa Estados Unidos at United Kingdom. Ayon kay Trump, wala umanong lumabas laban sa kanya sa mga bagong dokumento at iginiit niyang panahon na para tumuon sa ibang isyu tulad ng healthcare.
Kasabay nito, nahaharap sa criminal probe ang British politician na si Peter Mandelson, dating ambassador ng UK sa Washington, matapos magbitiw sa House of Lords. Iniimbestigahan siya ng pulisya dahil sa umano’y “misconduct in public office,” kaugnay ng paratang na nagbahagi siya ng sensitibong impormasyon kay Epstein at tumanggap ng pera noong unang bahagi ng 2000s.
Sa US naman, haharap sa imbestigasyon ng Kongreso sina Bill at Hillary Clinton sa Pebrero 26 at 27, kaugnay ng mga dokumentong naglalaman ng emails at ugnayan ng mga kilalang personalidad kay Epstein, na namatay sa kulungan noong 2019. Wala namang sinumang inakusahan ng kriminal na pananagutan sa ngayon.
Nagkaroon din ng isyu sa privacy matapos mailantad ang ilang pangalan ng umano’y biktima, ngunit sinabi ng US Justice Department na inalis na ang mga dokumentong kailangang i-redact.
Sa UK, umabot ang iskandalo hanggang sa royal family, matapos muling masangkot si Prince Andrew, na dati nang tumanggi sa mga paratang at nagbayad ng settlement noong 2022. Maging ang dating asawa niyang si Sarah Ferguson ay nadawit, at inanunsyo ang pagsasara ng kanyang charity.
