Pinigilan ni US President Donald Trump ang pagpapadala ng tulong militar sa Ukraine nitong Lunes, ayon sa isang opisyal ng White House. Ang desisyong ito ay tila isang matinding pwersa upang pilitin ang Kyiv na pumasok sa usapang pangkapayapaan kasama ang Russia.
Ang hakbang ay dumating ilang araw matapos ang tensyonadong sagupaan sa publiko nina Trump at Ukrainian President Volodymyr Zelensky, kung saan ipinakita ng US leader ang matibay niyang kagustuhan na tapusin agad ang digmaan.
Ayon sa isang hindi pinangalanang opisyal ng White House, “Malinaw ang mensahe ng Pangulo—ang pokus niya ay kapayapaan. Kailangan naming tiyakin na ang aming mga kaalyado ay nakatuon din sa layuning ito.”
Dagdag pa ng opisyal, ang pagpapadala ng armas ay “pansamantalang ipinagpapaliban at nirerepaso upang matiyak na nakakatulong ito sa isang pangmatagalang solusyon.”
Tila Napuno na si Trump kay Zelensky
Sa isang pahayag sa White House, sinabi ni Trump na hindi na siya magtitiis nang matagal sa pagiging matigas ni Zelensky. “Hindi siya magtatagal nang wala siyang kasunduan sa Moscow,” babala ng Pangulo.
Ayon sa New York Times, ang delay sa tulong ay agad nang ipinatupad at apektado nito ang daan-daang milyong dolyar na halaga ng armas na nakatakda sanang ipadala sa Ukraine.
Samantala, sinabi naman ni Zelensky na nais din niyang matapos ang digmaan “sa lalong madaling panahon” ngunit iginiit na kailangang tiyakin ang matibay na seguridad ng Ukraine bago makipagkasundo.
“Nagsimula ang gulong ito dahil sa kawalan ng security guarantees para sa Ukraine noon pa. Hindi na natin ito dapat hayaang mangyari ulit,” pahayag ni Zelensky sa isang video statement.