PULSE PH

Trump: Digmaan ng US at Iran Posibleng Matapos na “Sa Lalong Madaling Panahon”

Inihayag ni US President Donald Trump na maaaring matapos na sa lalong madaling panahon ang military operations ng Estados Unidos laban sa Iran, sa gitna ng patuloy na tensyon at kaguluhan sa Middle East.

Ayon kay Trump, inaasahang magiging panandalian lamang ang kampanya ng US laban sa Iran, na tumama na sa mahigit 5,000 target. Sinabi rin niyang kung muling lalala ang sitwasyon, mas matinding aksyon ang ipapatupad ng Amerika.

Samantala, nagpatuloy ang pag-atake ng Iran matapos maupo sa kapangyarihan si Mojtaba Khamenei, anak ng yumaong lider na si Ali Khamenei. Naglunsad ang Iran ng mga missile at drone attack laban sa ilang bansa sa Gulf tulad ng Saudi Arabia, Bahrain, Qatar at UAE, pati na rin sa Israel. May missile din na pinaputok patungong Turkey ngunit na-intercept ng air defenses ng NATO.

Dahil sa lumalalang tensyon, pansamantalang isinara ng Iran ang Strait of Hormuz—isang mahalagang ruta ng halos 20 porsyento ng pandaigdigang suplay ng langis. Dahil dito, sumirit ang presyo ng langis sa mahigit $100 kada bariles, ang pinakamataas mula noong 2022.

Habang patuloy ang sagupaan sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon, kabilang ang Israel at Lebanon, nagbabala ang mga eksperto na maaaring mas lumawak pa ang epekto ng digmaan sa pandaigdigang ekonomiya at suplay ng enerhiya. Gayunman, bahagyang gumaan ang merkado matapos ipahiwatig ni Trump na maaaring malapit nang matapos ang labanan.

Exit mobile version