Bumisita si US President Donald Trump sa Japan ngayong Lunes bilang ikalawang bahagi ng kanyang Asia tour, na magtatapos sa isang mahalagang pulong kay Chinese President Xi Jinping sa South Korea ngayong linggo.
Ang paglalakbay ni Trump, na unang pagbisita niya sa rehiyon mula nang muling maupo sa White House, ay nagsimula sa Malaysia, kung saan nilagdaan niya ang ilang kasunduang pangkalakalan at pagmimina. Kabilang dito ang mga trade deal sa Cambodia at Thailand, kasabay ng paglagda sa kanilang ceasefire pact sa sidelines ng ASEAN Summit sa Kuala Lumpur.
Nakipagpulong din siya kay Brazilian President Luiz Inacio Lula da Silva upang ayusin ang tensiyon sa pagitan ng dalawang bansa, at kay Qatar’s leaders upang pag-usapan ang tigilan sa Gaza.
Ngayon, ang pinakamalaking inaasahan sa biyahe ay ang pagsasara ng trade deal sa China, na maaaring makaiwas sa 100% tariffs na nakatakdang ipataw sa Nobyembre 1. Ayon sa mga opisyal, nakamit na ang “preliminary consensus” sa isyu ng rare earth minerals at soybean exports, bagay na tinawag ni Trump na “magandang panalo para sa dalawang bansa.”
Bago tumungo sa South Korea, titigil muna si Trump sa Tokyo upang makipagkita sa Emperor ng Japan at kay bagong Prime Minister Sanae Takaichi, na ayon kay Trump ay “isang mahusay na lider” at tagasuporta ng yumaong dating PM Shinzo Abe, na matalik niyang kaibigan.
Sa South Korea, inaasahang haharapin ni Trump ang pinakamalaking bahagi ng kanyang biyahe — ang unang harapang pagpupulong kay Xi Jinping mula nang siya’y bumalik sa puwesto. Ang pulong ay gaganapin sa Busan, kasabay ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit.
Bantay-sarado ng mga merkado sa buong mundo ang magiging resulta ng pag-uusap, lalo na kung ito’y makapipigil sa lumalalang US-China trade war.
Bukod dito, binuksan din ni Trump ang posibilidad ng isang bagong pagpupulong kay North Korean leader Kim Jong Un, na huli niyang nakausap noong 2019 sa Demilitarized Zone (DMZ). Ayon sa mga opisyal ng Seoul, “malaki ang posibilidad” na maganap muli ang makasaysayang pagkikita ng dalawang lider.
