Site icon PULSE PH

Trudeau, Kakasa kay Trump: Haharap kay King Charles para Ipaglaban ang Canada!

Matapang na tumindig si Prime Minister Justin Trudeau at sinabing kakausapin niya si King Charles III tungkol sa pagtatanggol sa soberanya ng Canada. Ito ay matapos paulit-ulit na igiit ni US President Donald Trump na dapat maging ika-51 estado ng Amerika ang bansa.

Mariing tinutulan ng mga opisyal ng Canada ang ideyang ito, na tinawag nilang walang basehan at hindi kailanman magiging bahagi ng kanilang hinaharap.

Ayon kay Trudeau, nais niyang pag-usapan kasama ang hari ang mahahalagang isyu para sa mga Canadian. “At masasabi kong wala nang mas mahalaga ngayon sa mga Canadian kundi ang pagtindig para sa ating soberanya at kalayaan bilang isang bansa,” aniya habang nasa London para sa isang summit tungkol sa Ukraine.

Simula nang muling mahalal noong Nobyembre, tila naging obsession na ni Trump ang Canada, madalas niya itong tawaging “51st state” at paulit-ulit na binabansagan si Trudeau bilang “governor” sa halip na prime minister.

Idineklarang magpapatupad ang US ng bagong taripa laban sa Canada sa Martes, ngunit ayon kay Trump, maaaring maiwasan ito kung magiging bahagi na lang ng Amerika ang bansa.

Sa kabila nito, hindi natinag si Trudeau at binalaan ang publiko na ang mga pahayag ni Trump tungkol sa pagsakop sa Canada upang makinabang sa likas na yaman nito ay isang “seryosong banta.”

Maraming Canadian din ang nagtatanong kung bakit nananatiling tahimik si King Charles sa isyung ito. Ngunit ayon sa tradisyon, ang hari ay kumikilos lamang batay sa payo ng punong ministro pagdating sa mga usaping may kinalaman sa Canada.

Samantala, sa London summit, muling tiniyak ni Trudeau ang matatag na suporta ng Canada sa Ukraine at inanunsyo ang panibagong sanctions laban sa Russia.

Exit mobile version