Walang preno ang TNT Tropang Giga matapos durugin ang Hong Kong Eastern, 109-93, para selyuhan ang kanilang puwesto sa PBA Commissioner’s Cup semifinals nitong Huwebes sa Ninoy Aquino Stadium.
Bagamat dikit ang laban sa third quarter, hindi na lumingon pa ang Tropang Giga matapos umarangkada ng 10-3 run—lalo na nang ma-thrown out si Eastern import Cameron Clark dahil sa flagrant foul.
Rondae Hollis-Jefferson ang bida sa panalo ng TNT na may 31 puntos, 15 rebounds, 4 assists, at 3 steals. Kumamada rin si Rey Nambatac ng 18 points, habang tila bumalik sa prime si Jayson Castro na may 16 puntos. Hindi rin nagpahuli si Poy Erram na tumikada ng 15 markers.
Sinubukan pang lumapit ng Eastern sa huling yugto, bumaba sa pito ang lamang ng TNT (91-84), pero hindi na nila kinaya nang bumulusok ang Tropang Giga sa 10-0 run na tinapos ng tres mula kay Calvin Oftana. Umabot pa sa 19 puntos ang pinakamalaking kalamangan ng TNT bago tuluyang ipanalo ang laban.
Sa semifinals, haharapin ng TNT ang magwawagi sa serye ng Converge FiberXers at Rain or Shine Elasto Painters.
Para sa Eastern, Hayden Blankley ang nanguna sa scoring na may 24 puntos, habang nagtala naman si Clark ng 16 points at 8 rebounds.