Maghahain ng petisyon ang transport group na Piston sa March 16 upang humiling ng pansamantalang dagdag-pasahe na hindi bababa sa P2, na magtataas sa minimum fare sa P15.
Ayon kay Piston president Mody Floranda, kinakailangan ang provisional fare hike dahil sa matinding pagtaas ng presyo ng langis na umabot na sa P17 hanggang P24 kada litro. Aniya, sa kasalukuyan ay kumikita lamang ng P400 hanggang P500 ang mga jeepney driver matapos ang 12 hanggang 18 oras na biyahe, ngunit maaaring mabawasan pa ito ng P200 hanggang P300 dahil sa mahal na krudo.
Ipinaliwanag ni Floranda na kung maaprubahan ang P2 dagdag-pasahe, kailangang makasakay ng humigit-kumulang 200 pasahero ang isang driver upang kumita ng nasa P400 sa isang araw.
Samantala, sinabi ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) chairman Vigor Mendoza na pinag-aaralan na ang posibleng provisional fare increase, lalo na kung aabot sa P80 kada litro ang presyo ng diesel.
Gayunman, iginiit ng Piston na dapat sabayan ang taas-pasahe ng pagtaas ng minimum wage sa P1,200 upang makasabay ang mga manggagawa sa tumataas na gastos sa transportasyon.
