Nanawagan ang mga transport at business groups sa gobyerno na alisin ang excise tax sa langis upang maibsan ang pagtaas ng presyo ng produkto at serbisyo. Ayon kay George Barcelon ng Philippine Chamber of Commerce and Industry, tataas ang gastos sa manufacturing, logistics, at consumer goods dahil sa diesel na tumaas ng hanggang P24.50 kada litro.
Sinabi naman ni Mody Floranda ng PISTON na malaking ginhawa sa mga PUV drivers ang pagtanggal ng P6 per liter excise tax at P9 VAT sa diesel. Tinawag ni Nanoy Rafael ng PARA Commuters Network ang mga buwis na “regressive” dahil apektado rito kahit ang mga mahihirap.
Kasabay nito, inaprubahan ng House Committee on Ways and Means ang substitute bill na nagbibigay kapangyarihan kay Pangulong Marcos na pansamantalang suspindihin o bawasan ang fuel excise tax sa panahon ng krisis. Ayon kay Rep. Martin Romualdez, makatutulong ito sa retail price reduction ng P6–P10 kada litro.
Ang panukala ay magbibigay kapangyarihan sa Presidente na kumilos agad kapag tumaas sa $80 per barrel ang Dubai crude oil o may pambansang emergency na magdudulot ng matinding pagtaas sa presyo ng langis, batay sa rekomendasyon ng DBCC at Department of Energy.
Ayon kay Sen. Panfilo Lacson, prayoridad ng Senado ang pagbibigay ng kapangyarihan para agad matugunan ang epekto ng mataas na presyo ng langis sa mamamayan.
