Sa wakas ay tumanggap na ng unang Oscar statuette si Tom Cruise matapos ang mahaba at matagumpay na karera sa Hollywood. Iginawad sa 63-anyos na aktor ang Honorary Oscar nitong Linggo sa Dolby Theatre sa Los Angeles, kung saan sinalubong siya ng standing ovation mula sa mga kapwa artista at film icons.
Habang tumutugtog ang kilalang “Mission Impossible” theme, umakyat sa entablado si Cruise at tinanggap ang parangal mula sa mga kasamahan sa industriya kabilang sina Colin Farrell, Emilio Estevez, at direktor na si Steven Spielberg, na nakatrabaho niya sa Minority Report at War of the Worlds.
Si Cruise, na apat na beses nang nominado sa Oscars ngunit hindi pa nananalo, ay nagbigay ng taos-pusong talumpati tungkol sa kanyang pagmamahal sa pelikula.
Aniya, ang sinehan ay lugar na nagbibigay “pagnanasang mag-explore, matuto, umunawa ng sangkatauhan, lumikha ng mga karakter, at magkwento ng mundong ating ginagalawan.”
Ipinresenta ang parangal ng direktor na si Alejandro González Iñárritu, na katuwang niya sa nalalapit na pelikulang Judy. Biro ni Iñárritu, “Ang pagsulat ng apat-na-minutong speech para sa 45-taong karera ni Tom Cruise ay tunay na ‘mission impossible.’” Dagdag pa niya, nakita niya ang “pinakamapanganib na stunt” ni Cruise—“kinaya niya ang pagkain ng mas maraming chili kaysa sa kahit sinong Mexican.”
Bukod kay Cruise, pinarangalan din sa gabi ng Honorary Oscars sina Debbie Allen ng Fame, production designer Wynn Thomas, at music legend Dolly Parton, na kinilala para sa kanyang makabuluhang humanitarian work.
Isang gabi itong nagbigay-pugay sa mga haligi ng pelikula—at sa wakas, kabilang na roon si Tom Cruise, isa sa pinakamalalaking bituin ng Hollywood.
