Nagbigay ng emosyonal na tribute si Tom Cruise sa yumaong co-star niyang si Val Kilmer sa CinemaCon sa Las Vegas. Bago ipakita ang bagong footage ng kanyang paparating na pelikula Mission: Impossible – The Final Reckoning, pinangunahan ni Cruise ang isang sandali ng katahimikan bilang pagbibigay-pugay kay Kilmer.
“Napakalaki ng paghanga ko sa kanya, hindi lang bilang aktor kundi bilang tao,” ani Cruise. Inalala rin niya ang saya ng kanilang pinagsamahan sa Top Gun at ang pagbabalik ni Kilmer bilang Iceman sa Top Gun: Maverick.
Si Kilmer, na sumikat noong ’90s at nakilala bilang “Iceman” sa Top Gun noong 1986, pumanaw ngayong linggo sa edad na 65 dahil sa pneumonia. Matagal na rin siyang lumaban sa throat cancer.
Samantala, ipinasilip na rin ni Cruise ang bagong trailer ng Mission: Impossible – The Final Reckoning, kung saan muli niyang pinatunayan ang pagiging daredevil action star sa matitinding stunt. Ipinakita siyang nakakapit sa isang biplane habang lumilipad ito sa makipot na canyon at gumugulong sa himpapawid.
Tila ito na nga ang huling Mission: Impossible film, pero knowing Tom Cruise, baka may isa pang surprise stunt sa hinaharap!