Mainit na sagupaan ang magaganap ngayong gabi sa MOA Arena sa pagsisimula ng PBA Commissioner’s Cup Finals! TNT Tropang Giga, gustong maka-double championship sa Season 49, habang ang Barangay Ginebra, sabik makuha ang unang titulo sa halos dalawang taon.
Ito na ang ikatlong beses na maghaharap ang dalawang powerhouse teams sa finals sa loob ng limang conference. Sa nakaraang dalawang laban sa Governors’ Cup Finals, nanaig ang TNT kontra sa Ginebra, kaya naman determinado si Gin Kings coach Tim Cone na baguhin ang script: “Talo na nila kami nang dalawang beses, kaya oras na para baliktarin namin ang kwento.”
Pero hindi na ito parehong laban gaya ng dati. Wala si Jayson Castro para sa TNT dahil sa knee surgery, habang may dagdag na firepower ang Ginebra sa pagbabalik nina Jamie Malonzo at Jeremiah Gray, kasama ang mid-season recruit na si Troy Rosario.
May mga health issues din ang Gin Kings—nasaktan si Rosario sa semis, at nagka-asthma attack si Justin Brownlee. Pero mukhang handa na si JB, habang si Rosario ay game-time decision ayon kay Cone.
Sa labang ito, hindi lang sina Brownlee at Rondae Hollis-Jefferson ang magbabakbakan, kundi pati ang dalawang beteranong coach—Tim Cone at Chot Reyes—na maghaharap sa finals sa ikawalong pagkakataon mula 1994.
Sabi ni Reyes, “Sa dulo, hindi coaches ang magdedesisyon nito—mga players ang gagawa ng paraan para manalo.”
Sino ang unang uusad sa serye? Abangan ang banggaan sa hardcourt ngayong 7:30 PM!