Tabla ang serye sa 1-1, pero kung titignan ang unang dalawang laro ng PBA Philippine Cup Finals, isang bagay ang malinaw: hirap ang TNT Tropang Giga sa pagtatapos ng laban.
Sa Game 1, kahit muntik nang mahabol ng San Miguel ang 24-point lead, nanalo pa rin ang TNT, 99-96. Pero sa final quarter, 30-14 ang scoring pabor sa Beermen. Sa Game 2, muling bumigay ang TNT sa huling 12 minuto at natalo, 98-92, matapos makagawa ng 5 turnovers na agad kinapital ng SMB, lalo na ni Chris Ross.
“Sinasalba kami palagi ng malaking lamang, pero pagdating ng 4th, doon kami nadadali,” ani TNT star Calvin Oftana. Dagdag pa niya, paulit-ulit na pagkakamali ang pumapatay sa kanila — lalo na sa turnovers at pressure handling.
Dagdag problema pa ng TNT, si Poy Erram ay injured at hindi pa siguradong makakalaro sa Game 3 ngayong 7:30 p.m. sa Araneta Coliseum. Pero ayon kay Brandon Ganuelas-Rosser: “Kung sinong next man up, kailangan handa.”
Samantala, sa panig ng San Miguel, patuloy ang balanced scoring at matibay na depensa. Ayon kay Coach Leo Austria, “Key namin ‘yung teamwork at pag-depensa sa shooters ng TNT. Dapat tuloy-tuloy ang pag-atake sa loob at ambag ng bench.”