Muling nagpakitang-gilas ang Oklahoma City Thunder matapos talunin ang Memphis Grizzlies, 119-103, sa pangunguna ni Shai Gilgeous-Alexander na kumana ng 31 puntos (Martes, oras sa
Matapos ang pagkatalo nila sa Minnesota, nagsilbing pampalakas-morale ang panalo para sa Thunder. Aminado si Gilgeous-Alexander na hindi perpekto ang kanilang laro, pero sapat para masiguro ang panalo at manatili sa tamang direksyon ang koponan.
Mabilis ang simula ng Memphis at nakakuha pa ng pitong puntos na abante sa unang quarter, pero kinuha ng OKC ang kontrol sa ikalawang yugto. Umagapay kay Gilgeous-Alexander sina Jalen Williams na may 24 puntos at Ajay Mitchell na may 16 mula sa bench.
Mas lalo pang tumingkad ang gabi ni Gilgeous-Alexander matapos pahabain ang kanyang scoring streak—100 sunod na laro na may hindi bababa sa 20 puntos, isang bihirang rekord na nauna lamang nagawa ni NBA legend Wilt Chamberlain. Dahil sa panalo, umangat ang rekord ng Thunder sa 26-3, pinakamataas sa Western Conference.
Samantala, hindi rin nagpahuli ang Denver Nuggets matapos durugin ang Utah Jazz, 135-112. Nagtala si Nikola Jokic ng triple-double na 14 puntos, 13 rebounds at 13 assists—ika-14 niya ngayong season at ika-178 sa kanyang karera. Umagapay sina Jamal Murray na may 27 puntos at Tim Hardaway Jr. na may 21 mula sa bench.
Sa Eastern Conference, nakaabangon naman ang Boston Celtics mula sa malaking pagkakaiwan at tinalo ang Indiana Pacers, 103-95. Pinangunahan ni Jaylen Brown ang comeback matapos magpasok ng 31 puntos, kabilang ang 14 sa huling quarter, para iangat ang Boston sa ikatlong puwesto sa East.
