Hindi prayoridad ni dating kongresista Zaldy Co ang magtestigo laban kay Pangulong Marcos sa posibleng impeachment proceedings, kahit pa iniuugnay niya ang Pangulo sa umano’y anomalya sa mga flood control projects. Ito ang pahayag ng kanyang abogado na si Ruy Rondain sa panayam sa One News.
Ayon kay Rondain, bagama’t mahalagang ma-authenticate ang mga pahayag ni Co para magamit sa anumang kaso, hindi ito ang pangunahing dahilan kung bakit inilabas ni Co ang video ng mga alegasyon. Maaari pa rin umanong magsilbing batayan ang mga ito para simulan ang imbestigasyon, kahit hindi pa sinumpaan.
Si Co ay may mga warrant of arrest mula sa Sandiganbayan at nananatiling nasa ibang bansa mula nang sumabog ang isyu noong nakaraang taon. Inamin niyang naging bahagi siya ng umano’y scheme, ngunit iginiit na wala siyang kinita, kaya’t tumatanggi siyang magbayad ng restitution.
Dating chairman ng House committee on appropriations at founder ng Sunwest Construction, si Co ay inakusahan ng paggamit ng posisyon para sa umano’y paglustay ng bilyong pondo ng gobyerno. Mariin namang sinabi ng kanyang abogado na gawa-gawa ang mga kaso at maaari siyang maabsuwelto, subalit non-bailable ang mga ito—kaya’t aniya, haharap si Co sa mahabang pagkakakulong habang nililitis kung siya’y uuwi ngayon.
