Target ng Team Pilipinas ang Top 20 o mas mataas pa sa 45th FIDE Chess Olympiad na magbubukas ngayong gabi sa BOK Sports Hall sa Hungary, isang lugar na may matagal nang tradisyon sa chess.
Unang sasalang si Daniel Quizon, na maglalaro sa top board sa unang dalawang rounds habang hinihintay ang pagdating ni Grandmaster Julio Catalino Sadorra, na darating sa Biyernes.
Si Quizon, isang 20-anyos na International Master mula Dasmariñas, ay may pagkakataong ipakita ang galing at mag-ipon ng rating points para maging Grandmaster. Sa kasalukuyan, nasa 2490 na ang rating niya, 10 puntos na lang at maaabot na niya ang 2500 GM title threshold.
“Pangarap ko talaga mag-GM,” sabi ni Quizon, na kasama ang iba pang miyembro ng Philippine team na sinusuportahan ng Philippine Sports Commission at National Chess Federation of the Philippines.
Nasa second board naman si IM Paulo Bersamina, habang sina GM John Paul Gomez at IM Jan Emmanuel Garcia ang maglalaro sa third at fourth boards.
Para sa women’s team, pangungunahan ito ni Woman GM Janelle Mae Frayna kasama sina WIMs Jan Jodilyn Fronda at Bernadette Galas, at Woman FIDE Masters Shanie Mae Mendoza at Ruelle Canino.