Malakas ang naging panimula ng Team Philippines sa Day 8 ng 33rd Southeast Asian Games matapos walisin ang tatlong triathlon relay events sa Laem Mae Phim Beach. Sina Kim Mangrobang, Kira Ellis, at Raven Alcoseba ang naghatid ng unang ginto sa All-Women Relay, sinundan ng panalo ng men’s team na binubuo nina Fer Casares, Iñaki Lorbes, at Matthew Justine Hermosa. Tinapos ang sweep sa Mixed Relay sa pangunguna nina Ellis, Casares, at Alcoseba kasama si Kim Remolino.
Dahil sa dominanteng performance, naging double-gold winners sina Ellis, Alcoseba, at Casares. Ayon sa kanila, bunga ito ng teamwork at paghahanda. Tatlong beses ring tumugtog ang pambansang awit para sa triathlon team sa isang araw.
Hindi lang triathlon ang naghatid ng ginto. Nagwagi rin sina Islay Bomogao (muay women’s -45kg) at LJ Yasay (men’s -51kg), habang nag-four-peat ang Sibol Men sa Mobile Legends: Bang Bang esports. Dumagdag pa ang ginto nina Dhenver John Castillo sa windsurfing at Melvin Sacay sa modern pentathlon laser run.
Umabot sa walong gold medals ang ani ng Team PH sa isang araw, dahilan para umakyat ang kabuuang medal tally sa 37 golds, 53 silvers, at 122 bronzes, bahagyang nasa likod ng Malaysia. Nanatiling optimistiko si POC president Bambol Tolentino na mas marami pang ginto ang darating sa huling tatlong araw ng kompetisyon.
