Muling pinatunayan ni Taylor Swift ang kanyang dominasyon sa global music scene matapos siyang tanghaling best-selling global artist ng 2025, ayon sa International Federation of the Phonographic Industry (IFPI). Ikaapat na sunod na taon na niya itong napanalunan at ikaanim sa kabuuan.
Lalong umarangkada ang tagumpay ng 36-anyos na pop star dahil sa paglabas ng kanyang ika-12 album na The Life of a Showgirl noong Oktubre, na nagtakda ng ilang streaming records. Nakatulong din ang docuseries tungkol sa kanyang record-breaking na The Eras Tour upang palawakin pa ang kanyang global reach.
Ayon sa IFPI, umabot sa pambihirang antas ang worldwide engagement ni Swift sa streaming, digital downloads, at physical sales. Sa nakalipas na 10 taon, kapantay na raw ng kanyang anim na panalo ang pinagsamang bilang ng lahat ng iba pang artist na tumanggap ng parehong parangal.
Pumangalawa sa ranggo ang K-pop group na Stray Kids—ang pinakamataas nilang pwesto at ikatlong sunod na taon sa global top five. Nasa ikalima naman si Bad Bunny, na ika-anim na sunod na taon nang nasa talaan.
Samantala, unang beses nakapasok sa ranking si Tyler, The Creator sa ika-12 pwesto, habang sumunod sa kanya ang Japanese rock band na Mrs. Green Apple matapos ang tagumpay ng kanilang anniversary album na “10.”
