Isang taxi driver na na-video habang naniningil ng P1,200 para sa maikling biyahe mula NAIA Terminal 2 hanggang Terminal 3, maaaring mawalan hindi lang ng lisensya—pati buong kumpanya niya ay posibleng kasuhan.
Ayon kay Transportation Secretary Vince Dizon, natuklasan sa imbestigasyon na ang taxi firm na Taxihub Transport, pag-aari ni Paige Pauline Bersamina, ay nag-ooperate gamit ang expired na provisional authority. Ibig sabihin, walang valid na prangkisa ang buong fleet ng kumpanya.
“Makakasuhan kayo ngayon kasi pinayagan ninyong lumabas sa kalsada ang taxi na walang prangkisa,” ani Dizon.
Nakatakdang maglabas ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng show cause order kay Bersamina at maaaring bawiin ang karapatan ng kumpanya na mag-operate.
Kasabay nito, iniutos ni Dizon ang malawakang crackdown laban sa mga taxi na nagnanakaw sa pasahe sa NAIA. Pinag-utos niya ang koordinasyon ng LTFRB, LTO, MIAA, at iba pang ahensya para mahuli ang mga abusadong taxi driver.
Klaro na: bawal ang overcharging, lalo na sa mga paliparan!