Mariing itinanggi ng may-ari ng Auto Vault Speed Shop sa Taguig ang mga alegasyong sangkot ito sa pag-aangkat at pagpupuslit ng mga luxury car matapos ang raid ng Bureau of Customs (BOC) noong Pebrero.
Sa isang liham na ipinadala sa The STAR noong Marso 4, sinabi ng abogado ng Auto Vault na ang kumpanya ay hindi kailanman nakibahagi sa importation o pagbebenta ng sasakyan.
“Ang Auto Vault ay isang kumpanyang rehistrado sa Securities and Exchange Commission (SEC) at nakatuon lamang sa car detailing at maintenance services,” ayon sa pahayag.
Dagdag pa ng legal counsel ng Auto Vault, lahat ng luxury cars na ininspeksyon ng BOC ay pribadong pag-aari at karamihan ay binili sa mga local dealership.
“Makikita pa nga ang conduction plates at stickers ng mga dealership kung saan binili ang mga sasakyan,” anila.
Kinumpirma ni Alvin Enciso, hepe ng BOC-Customs Intelligence and Investigation Service, na car detailing at repair services nga ang pangunahing inaalok ng Auto Vault.
Ngunit, ayon kay Enciso, hindi binanggit ng shop na nag-aalok din ito ng parking services para sa luxury cars sa halagang P15,000 kada buwan.
Sa website ng Auto Vault, makikita na mayroon itong high-security storage facility na may CCTV system para sa mga mamahaling sasakyan.
Noong Pebrero 20, pinangunahan ni Enciso ang pagsalakay sa Auto Vault sa Barangay Ususan kung saan natagpuan ang 44 umano’y smuggled na sasakyan na nagkakahalaga ng P900 milyon.