Inaasahan na makikinabang ang higit sa 160,000 pasahero kapag binuksan ang Taguig City Integrated Terminal Exchange (TCITX) sa 2028, ayon sa Department of Transportation (DOTr).
Kahapon, pinangunahan ng DOTr ang groundbreaking ceremony ng TCITX matapos ang pitong taong pagkaantala dahil sa pandemya at mga isyu sa right-of-way. Ang proyekto, na ipinagkaloob sa Ayala Land Inc. (ALI), ay nakatakdang matapos sa 2027 at maging fully operational sa 2028.
Ang P5.2-bilyong terminal ay inaasahang mag-accommodate ng 160,000 motorista at 5,200 na sasakyan araw-araw.
Ang TCITX ay magkakaroon ng walkway na mag-uugnay sa mga pasahero papuntang North-South Commuter Railway at Metro Manila Subway. Ayon kay Transportation Secretary Jaime Bautista, magiging mahalaga ang proyekto sa pagpapagaan ng daloy ng trapiko sa mga pangunahing kalsada at magbibigay ng mas maginhawang biyahe sa mga pasahero.
Itatayo ang terminal sa dating lokasyon ng Food Terminal Inc., isang state-owned corporation na ibinenta sa ALI noong 2012.
Ayon kay ALI president at CEO Anna Maria Margarita Dy, ang TCITX ay magiging gateway mula sa timog ng Metro Manila at tatanggap ng 5,200 sasakyan, kabilang na ang mga provincial bus mula sa Laguna, Batangas, at Quezon, pati na rin ang mga city buses at pampasaherong sasakyan na maghahatid ng mga pasahero sa buong Metro Manila.
Bilang karagdagan, nilagdaan din kahapon ang isang right-of-way usage agreement para sa konstruksyon ng 32.7-kilometrong Southeast Metro Manila Expressway, na mag-uugnay mula Parañaque hanggang Batasan Complex sa Quezon City. Ang mga signatoryo ay kinabibilangan ng DOTr, Department of National Defense, Veterans Foundation of the Philippines, Toll Regulatory Board, at San Miguel Corporation.