PULSE PH

Taal, Nagtala ng Minor Eruption Noong Pebrero 16!

Naitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang isang minor na phreatic eruption sa Taal Volcano noong Linggo, Pebrero 16.

Ayon sa ulat ng Phivolcs, umabot ng 900 metro ang taas ng plume na nilabas ng bulkan na tumulak patungong kanlurang bahagi. Tumagal ang pagputok ng tatlong minuto at 27 segundo.

Nagkaroon din ng tatlong volcanic tremors na may tagal mula apat hanggang labing-dalawang minuto.

Ito na ang pangalawang minor na phreatic eruption ng Taal simula noong Sabado, Pebrero 15, kung saan naglabas ito ng 407 toneladang sulfur dioxide.

Bagamat patuloy pa rin sa Alert Level 1 ang Taal, nagbigay babala ang Phivolcs ng posibilidad ng biglaang steam o phreatic explosions, volcanic earthquakes, minor ashfall, at ang paglabas ng mga toxic gases mula sa bulkan.

Pinayuhan din ng Phivolcs ang publiko na huwag pumasok sa Taal Volcano Island, partikular sa main crater at Daang Kastila fissures, at mag-ingat sa mga lugar malapit sa Taal Lake. Ipinagbabawal din ang pagpapalipad ng anumang sasakyang panghimpapawid malapit sa tuktok ng bulkan.

Exit mobile version