Site icon PULSE PH

Swifties, Dinumog ang German Museum Para Makita ang ‘Ophelia’ Painting!

Puno ng saya at kanta ang isang museo sa Wiesbaden, Germany nitong Linggo matapos dagsain ng mga tagahanga ni Taylor Swift, na gustong makita ang obrang sinasabing nagsilbing inspirasyon ng music video ng kanyang bagong awitin na “The Fate of Ophelia.”

Suot ng ilan ang puting bestidang may bulaklak sa buhok gaya ng karakter ni Ophelia sa “Hamlet” ni Shakespeare, habang ang iba nama’y kumikislap sa mga kasuotan na kahawig ng istilo ni Swift sa entablado. Ang painting na kanilang pinuntahan ay gawa ng artist na si Friedrich Heyser, na nagpapakita kay Ophelia na nakahiga sa ilog bago ito malunod—eksena ring ginaya ni Swift sa simula ng kanyang music video.

Simula nang ilabas ang kanta noong nakaraang buwan, dinarayo na ng mga Swifties ang Wiesbaden Museum para masilayan ang obra. Ayon sa isang tagahanga, nakaka-overwhelm umanong makita nang personal ang larawang nakaimpluwensiya sa idol nilang si Taylor.

Humigit-kumulang 200 fans ang dumalo sa sold-out event, kung saan sinamahan sila ng lecture tungkol sa painting bago nila sabay-sabay inawit at sinayawan ang “The Fate of Ophelia.” Siyempre, hindi rin nawala ang selfie moments sa harap ng sikat na obra.

Exit mobile version