Inakala ng marami na nakaligtas na si Mary Ann Maslog sa kaso ng graft noong 1998 textbook scam matapos ipabatid sa Sandiganbayan na siya ay pumanaw noong 2019.
Pero kamakailan, natuklasan ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) na buhay pa si Maslog at nadakip siya dahil sa isa na namang kasong panloloko. Noong Setyembre 25, hinuli siya sa Quezon City, limang taon matapos umanong pekein ang kanyang sariling kamatayan.
Si Maslog, na kilala sa pagdala ng kahon na may P3 milyon na suhol sa Malacañang noong 1999, ay nahuli matapos magsumbong ang dalawang biktima sa NBI na nadenggoy umano sila ng P8 milyon sa isang investment scheme. Gamit ang alyas na “Dr. Jesica Francisco,” ipinakilala ni Maslog ang sarili bilang supplier ng water systems at medical supplies sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ayon sa isa sa mga biktima, nakilala niya si Maslog noong Setyembre 2021 at hinikayat siyang mag-invest ng P5 milyon sa isang proyekto sa BARMM, kapalit ang pangakong P65 milyon na tubo.