Matinding pinsala ang iniwan ng Super Typhoon Nando (international name: Ragasa) matapos tumama sa Babuyan Islands kahapon bago lumabas patungong West Philippine Sea ngayong umaga.
Ayon sa PAGASA, umabot sa 215 kph ang lakas ng hangin at halos 295 kph ang bugso ng bagyo, dahilan para itaas ang Signal No. 5 sa Babuyan Islands at babala ng matinding panganib sa buhay at ari-arian. Signal No. 4 naman ang naitaas sa bahagi ng Batanes, hilagang Cagayan, at ilang bayan ng Ilocos Norte.
Suspendido ang klase, biyahe at trabaho
Nanatiling suspendido ang klase sa Metro Manila at ilang probinsya gaya ng Ilocos Sur, Abra, Benguet, Cagayan Valley, La Union, Pangasinan, Occidental Mindoro, Cavite, Laguna, Batangas at Rizal. Kanselado rin ang 20 domestic at 3 international flights, habang dose-dosenang pasahero at truck drivers ang stranded sa mga pantalan sa Luzon.
Sa Baguio at La Union, nagdulot ng landslide at rockslide ang malakas na ulan, dahilan ng pagsara sa ilang kalsada gaya ng Kennon Road at ilang bahagi ng Marcos Highway. Siyam ang nasugatan ngunit walang naitalang nasawi.
Libo-libo ang inilikas
Ayon sa Office of Civil Defense, nasa 5,000 pamilya o halos 14,000 katao ang preemptively evacuated sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon at Cordillera. Mismo si Pangulong Bongbong Marcos ang nag-utos ng agarang distribusyon ng pagkain at tulong sa mga evacuees.
Pinsala sa agrikultura at kuryente
Naka-red alert ang Department of Agriculture at nagpreposisyon ng higit 113,000 bags ng palay seeds, 101,000 bags ng corn seeds, at halos 1.8M fingerlings para sa muling pagtatanim at pangisdaan. Samantala, mahigit 350,000 consumer connections ang naapektuhan ng blackout sa 11 electric cooperatives sa Luzon, ayon sa NEA.
Bagong sama ng panahon
Bukod kay Nando, binabantayan din ng PAGASA ang isang low-pressure area sa labas ng PAR na may tsansang maging bagyo sa loob ng 24 oras.
Habang humihina na si Nando sa susunod na 24 oras, pinapayuhan pa rin ang publiko na manatiling alerto dahil sa banta ng pagbaha, storm surge at landslide, lalo na sa mga mababang lugar ng Hilagang Luzon.