Apat ang nasawi sa magkahiwalay na sunog sa Marikina at Tondo, Manila kahapon.
Sa Marikina, tatlong bangkay—dalawang babae na may edad 18 at 23, at isang 55-anyos na lalaki—ang natagpuan matapos maapula ang sunog alas-8:44 ng umaga. Tatlo pang katao, kabilang ang isang apat-na-taong-gulang na bata, ang nagtamo ng paso at sugat.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog sa isang bahay sa Barangay Concepcion Uno pasado alas-8 ng umaga. Umabot ito sa walong bahay at nag-iwan ng 13 pamilyang nawalan ng tirahan, o tinatayang 80 katao. Aabot sa P100,000 halaga ng ari-arian ang natupok. Patuloy pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang sanhi ng sunog.
Agad namang inatasan ni Mayor Marcelino Teodoro ang City Social Welfare and Development Office na asikasuhin ang mga apektadong residente na pansamantalang nanunuluyan sa evacuation center. Labing-walong firetrucks at apat na ambulansya ang rumesponde sa insidente.
Samantala, sa Tondo, isang 83-anyos na babae ang nasawi matapos ma-trap sa loob ng kanilang nasusunog na bahay. Natagpuan ang kanyang mga labi matapos ang clearing operations ng mga bumbero.
Patuloy ang imbestigasyon sa parehong insidente upang matukoy ang sanhi ng sunog.