Humingi ng tulong ang Kapamilya actress na si Sue Ramirez matapos ihayag na sasailalim sa open heart surgery ang kanyang ina. Sa isang Instagram story, ibinahagi ni Sue ang larawan niya sa tabi ng hospital bed ng kanyang mom at taimtim na nanawagan sa publiko para sa blood donation na maaaring makatulong at makaligtas sa buhay nito.
Ayon kay Sue, tumatanggap ng blood donors na may blood types na B+, B-, O+, at O-, at dapat ay walang nainom na alak sa loob ng 48 oras bago mag-donate. Para naman sa mga hindi makakapagbigay ng dugo, humiling siya ng dasal para sa paggaling at lakas ng kanyang ina.
Matagal nang bukas si Sue tungkol sa malaking impluwensya ng kanyang ina sa kanyang buhay. Sa mga naunang panayam, inilarawan niya ito bilang isang matatag at mapagmahal na ina na humubog sa kanyang pagkatao. Ani Sue, lahat ng mabubuting katangiang nakikita ng mga tao sa kanya ay bunga ng maayos na pagpapalaki ng kanyang mom—isang bagay na labis niyang ipinagpapasalamat.
