Site icon PULSE PH

Sparkle Artists, Nanawagan ng Kabutihan at Positibong Online Culture!

Higit pa sa pagbibigay-aliw at impormasyon, patuloy na isinusulong ng GMA Network ang mahahalagang pagpapahalagang Pilipino at unibersal na dapat manatiling buhay sa gitna ng mabilis na pag-usbong ng teknolohiya. Layunin nitong magsilbing “guideposts” sa makabagong panahon, habang pinatatatag ang pagkakakilanlang Pinoy at malasakit sa kapwa.

Bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-75 anibersaryo, inilunsad ng Kapuso network ang “Ganito Tayo, Kapuso,” isang koleksyon ng pitong maiikling pelikula na tumatalakay sa pitong pangunahing pagpapahalagang Pilipino: Maka-Diyos, Masayahin, Maabilidad, Makabayan, Mapagmalasakit sa Kapwa, Mapagmahal sa Pamilya, at Malikhain.

Pinagbidahan ang mga short film ng ilang Kapuso artists tulad nina Althea Ablan, Mikee Quintos, Allen Ansay, Thea Tolentino, Euwenn Mikaell, Patricia Tumulak, Vaness del Moral, Matt Lozano at Anton Vinzon. Samantala, nagbigay-boses naman ang GMA Playlist artists na sina Kim De Leon, Seb Pajarillo at Mitzi Josh sa mga kantang ginamit sa short film na “G.G.” na nakatuon sa pagpapahalagang Masayahin. Kabilang pa sa iba pang pelikula ang “Opo,” “Para! Sa Pamilya,” “Raketera,” “The Job Interbrew,” “The Mami Returns” at “Tres Marias.”

Nagpatuloy ang adbokasiya sa paglulunsad ng “Click Kindness” campaign noong Nobyembre, kasabay ng ika-30 anibersaryo ng Sparkle GMA Artist Center. Sa selebrasyong “Sparkle Trenta,” binigyang-diin ni Alden Richards ang kahalagahan ng pagiging mabuti hindi lang sa totoong buhay, kundi lalo na sa online world.

Ayon kay Alden, dapat gamitin ang social media upang magbigay-inspirasyon at pagmamahal, hindi galit at alitan. “Kindness goes a long way, at nagsisimula ito sa ating lahat,” ani niya.

Bilang bahagi ng kampanya, ipinalabas din sa GMA ang isang espesyal na video na tampok sina Julie Anne San Jose, Ruru Madrid, Miguel Tanfelix, Kyline Alcantara, Ysabel Ortega, Rita Daniela at marami pang Sparkle artists. Sa isang panayam, hinikayat nina Ruru at Kyline ang publiko na piliing huwag patulan ang masasakit na komento at sa halip ay magbigay ng libre at araw-araw na pagmamahal at kabutihan.

Layunin ng “Click Kindness” na maghasik ng positibo at malasakit—sa virtual man o totoong mundo—at ipaalala na ang simpleng pagpili ng kabutihan ay may malaking epekto sa pagbuo ng mas maayos at mas makataong komunidad.

Exit mobile version