Humarap sa kasaysayan si South Korean President Yoon Suk Yeol matapos siyang maaresto noong Miyerkules kaugnay ng kanyang nabigong pagtatangkang magdeklara ng martial law. Daang-daang anti-graft investigators at pulis ang sumugod sa kanyang tirahan para tapusin ang linggo-long standoff.
Si Yoon, na na-impeach at kinasuhan ng insurrection dahil sa kanyang bigong martial law bid noong nakaraang buwan, ang kauna-unahang nakaupong presidente sa South Korea na inaresto.
Madaling araw, sinalakay ng mga awtoridad ang presidential residence. Ang iba’y gumamit pa ng mga hagdan at dumaan sa mga likurang daanan para makapasok. Ito ang pangalawang pagtatangka nilang arestuhin si Yoon, matapos mabigo noong Enero 3 dahil sa matinding depensa ng Presidential Security Service (PSS).
Sa wakas, napilitang sumuko si Yoon upang maiwasan ang mas malalang insidente. Ayon sa kanyang abogado na si Seok Dong-hyeon, “Si President Yoon ay boluntaryong haharap sa Corruption Investigation Office at magbibigay ng pahayag.”
Ngunit bago pa man ito mangyari, inanunsyo ng mga imbestigador na naaresto na si Yoon bandang alas-10:33 ng umaga.
Naging tensyonado ang paligid ng kanyang tirahan nang dumagsa ang kanyang mga tagasuporta na sumigaw ng “illegal warrant!” habang may dalang glow sticks, watawat ng South Korea, at Amerika. Naglagay din ng barbed wire at barikada ang mga security forces, na tinawag ng oposisyon na isang “fortress.”
Ang sitwasyon ay naging mas delikado kaya’t nagdesisyon ang mga pulis na hindi magdala ng baril at bulletproof vest lang ang suot bilang paghahanda sa anumang posibleng karahasan.
Dahil sa arrest warrant, maaaring manatili si Yoon sa kustodiya ng hanggang 48 oras. Kung kailangan ng mas mahabang panahon, kakailanganin ng panibagong arrest warrant.
Samantala, nagsimula na rin ang impeachment trial ni Yoon nitong Martes. Bagamat hindi siya dumalo, nagpapatuloy ang pagdinig na muling itatakda sa Huwebes.
Tila hindi pa tapos ang kwento ni Yoon Suk Yeol, habang patuloy na binabantayan ng buong mundo ang mga susunod na kaganapan.