Ipinahinto ni South Korean President Lee Jae-myung ang implementasyon ng ₩700 bilyon (₱28.7 bilyon) na infrastructure loan para sa Pilipinas matapos makita ang “potential for corruption” sa proyekto.
Nanggaling ang desisyon matapos pumutok ang malaking anomalya sa flood-control projects sa Pilipinas, na iniimbestigahan ngayon ng Kongreso dahil sa umano’y sabwatan ng ilang pulitiko at contractors para ibulsa ang pondo.
Sa kanyang Facebook post, sinabi ni Lee na inutusan niyang “agad suspindihin ang lahat ng proseso” at iginiit na mabuti na’t hindi pa nailalabas ang pondo mula sa Economic Development Cooperation Fund (EDCF). Aniya, nakaiwas ang South Korea sa “aksayang buwis ng mamamayan.”
Ayon sa ulat ng Hankyoreh21, ang tinaguriang “PBBM Rural Modular Bridge Project” ay planong magtayo ng modular bridges sa 350 lugar sa buong bansa — at mismong pangalan ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. ay nakadikit sa proyekto. Pero, giit ng Ministry of Strategy and Finance ng Korea, maraming indikasyon ng corrupt individuals sa likod ng mahina at problemadong proyekto.
Samantala, sinabi ng Department of Finance (DOF) na “wala talagang loan na ganito” at ang proyekto ay hindi natuloy sa Korea dahil sa hindi pagkakasundo sa scope at technical specs. Dagdag pa ng DOF, nakikipag-usap na ngayon ang gobyerno sa France para sa posibleng pondo ng ₱28B bridge project.