Nagbukas na ng pandaigdigang audition ang SOURCE MUSIC, ang K-pop label sa likod ng LE SSERAFIM, para sa pagbuo ng kauna-unahan nitong global boy group.
Sa pahayag noong Enero 6, inanunsyo ng ahensya ang “SOURCE MUSIC 2026 Global Boy Audition,” na tatakbo hanggang Enero 25. Bukas ito sa mga lalaking ipinanganak noong 2008 pataas, anuman ang nasyonalidad o lugar ng tirahan—kabilang ang mga aplikante mula sa Pilipinas.
Maaaring magsumite ng online application sa opisyal na website ng SOURCE MUSIC audition, kung saan puwedeng ipakita ang talento sa pagkanta, pagra-rap, pagsasayaw, o anumang format na magpapakita ng kanilang natatanging kakayahan. Direktang kokontakin ang mga papasa sa initial screening.
Kasabay ng paglulunsad, inilabas din ng SOURCE MUSIC ang opisyal na audition poster na may temang spacecraft, bilang simbolo ng bagong yugto ng ahensya sa pagbuo ng male artists. May inilabas din na promotional video sa HYBE LABELS YouTube channel, at inaasahang susundan pa ito ng iba’t ibang content habang tumatagal ang audition period.
Ang SOURCE MUSIC ay isang subsidiary ng HYBE Labels, ang entertainment company sa likod ng BTS, SEVENTEEN, ENHYPEN, TXT, at iba pa. Kilala bilang “girl group specialist,” ito ang kauna-unahang pagkakataon na global na magre-recruit ang ahensya ng male trainees matapos ang tagumpay ng GFRIEND at LE SSERAFIM.
