PULSE PH

Sotto, Lacson at Zubiri, Balik-puwersa; Minority kumontrol sa Senado!

Matapos mapatalsik si Sen. Francis “Chiz” Escudero bilang Senate President, umangat ang minority bloc at kinuha ang pinakamahahalagang posisyon sa Mataas na Kapulungan.

Si Sen. Tito Sotto ang nahalal na bagong Senate President matapos makakuha ng humigit-kumulang 15 boto. Siya ang pumalit kay Escudero na napatalsik sa mosyon mismo ni Sen. Miguel Zubiri, na dati ring naalis sa pwesto noong 2024.

Sa kanyang unang talumpati, sinabi ni Sotto na dumating ang kanyang pagbabalik sa pamumuno sa “napakahalagang panahon” kung kailan lantad na ang mga malalaking isyu ng korapsyon sa gobyerno.

“Ang taumbayan ay galit sa korapsyon. Korapsyon na ramdam, nakikita at naririnig ng bawat Pilipino ngayon higit kailanman,” ani Sotto.

Kasabay nito, pinalitan ni Sen. Ping Lacson si Sen. Jinggoy Estrada bilang Senate President Pro Tempore, habang ibinalik ni Zubiri ang sarili bilang Senate Majority Leader, kapalit ni Sen. Joel Villanueva.

Ang mga hakbang ay itinulak nina Sen. Risa Hontiveros at Sen. Loren Legarda, kapwa kasapi ng minority bloc, para maselyuhan ang pagbabalik-puwersa ng tatlong senador sa pinakamataas na liderato ng Senado.

Hindi na nagbigay ng malinaw na dahilan ang mga senador sa pagpapatalsik kay Escudero, ngunit iniuugnay ito sa kanyang mga kontrobersyal na desisyon, kabilang ang paghawak sa impeachment trial ni VP Sara Duterte at mga alegasyon ng iregularidad sa pambansang badyet.

Sa kabila ng lahat, nagpahayag ng katahimikan si Escudero:

“Wala akong sama ng loob, wala rin akong kinikimkim na galit. I am proud of the work I did as Senate President,” aniya.

Exit mobile version