Nasunog ang 19 sasakyan sa parkeng extension ng Terminal 3 ng Ninoy Aquino International Airport (Naia) sa Pasay City noong Lunes ng hapon.
Base sa pahayag ng Manila International Airport Authority (MIAA), nagsimula ang sunog bandang 1:28 ng hapon mula sa maliit na sunog sa damuhan na agad na kumalat at nasunog ang ilang kalapit na sasakyan na nakaparada roon.
Nagpadala ang MIAA Rescue and Firefighting Division ng limang firetruck at isang medical team sa lugar.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), umabot sa unang alarmo ang sunog bago ito naapula bandang 2:03 ng hapon.
Sinabi ni MIAA general manager Eric Ines na walang naiulat na nasugatan dahil sa insidente. Hindi rin naapektuhan ang operasyon ng mga flight sa apat na terminal ng Naia.
Patuloy pa ring iniimbestigahan ng BFP ang sanhi at saklaw ng pinsala ng sunog kahit na pinag-utos ni Ines na ibigay ng buong suporta ng lahat ng kaugnay na yunit ng MIAA sa BFP para sa mabilisang pagtatapos ng kanilang imbestigasyon.
Ngunit base sa mga ulat, sinabi ni Ines na tinitingnan nila ang ilang mga sanhi ng sunog, kabilang ang sobrang init na pinalakas ng malakas na hangin at tuyong damo sa lugar. Ayon sa ulat mula sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration, umabot sa 42 degrees Celsius ang heat index sa kanilang istasyon sa Naia, na itinuturing nang nasa ilalim ng danger level.
Nag-utos din si Ines na magpadala ng firetruck sa open parking area sa araw para agarang maapula o maiwasan ang sunog.
Gayunpaman, nilinaw niyang wala ang MIAA na pananagutan sa mga nasunog na sasakyan dahil ang parking area ay inuupahan sa isang pribadong concessionaire.