Arestado na ang itinuturong pumatay kay Charlie Kirk, isang kilalang right-wing activist at kaalyado ni US President Donald Trump. Binaril si Kirk habang nagsasalita sa isang event sa Utah Valley University nitong Miyerkules.
Ang Suspek
Nakilala ang suspek bilang si Tyler Robinson, 22 anyos. Siya mismo ay isinuko ng kanyang ama at kaibigan noong Huwebes ng gabi. Tubong Washington County, lumalabas na si Robinson ay mula sa isang Mormon family at kasalukuyang nasa electrical apprenticeship program.

Ang Pamamaril
Si Kirk, 31, ay tinamaan sa leeg matapos barilin gamit ang high-powered bolt-action rifle mula sa bubong ng isang gusali, humigit-kumulang 200 yarda ang layo. Ayon sa pulisya, nakahiga ang gunman upang mas tumama ang bala.
Motibo
Hindi pa malinaw ang motibo pero sinabi ng pamilya na naging mas “political” si Robinson kamakailan at madalas banggitin si Kirk. Sa mga basyo ng bala, nakita ang mga sulat na tulad ng “Hey, fascist! Catch!” at “Bella Ciao,” na may kinalaman sa anti-fascist movement, pati na rin mga simbolo mula sa gaming culture.
Reaksyon
Mabilis na kinondena ng mga pulitiko mula iba’t ibang panig ang pagpaslang. Una ay sinisi ni Trump ang “radical left” pero kalaunan ay tinawag si Kirk na “advocate of nonviolence.” Ipinahayag din ni Trump na bibigyan niya si Kirk ng Medal of Freedom, ang pinakamataas na sibilyang parangal sa Amerika, at dadalo siya sa libing ng yumaong aktibista.
Kasama si US Vice President JD Vance, inuwi ang labi ni Kirk sa kanyang bayan sa Phoenix gamit ang opisyal na eroplano.