Mas paiigtingin ng Pasig Traffic and Parking Management Office (TPMO) ang pagpapatupad ng batas trapiko matapos ang trahedyang pagkamatay ng isang siklista sa Shaw Boulevard, ayon kay Mayor Vico Sotto.
Nangyari ang insidente noong Martes sa Barangay Kapitolyo nang dumaan ang siklista sa bike lane pero na-aksidente nang magbukas ng pinto ang L300 van na ilegal na nakaparada sa gilid ng daan.
Ayon kay S/Sgt. Benedict Lagarte, nawala ang balanse ng siklista nang umiwas sa pinto ng van, at sa pagkakataong iyon ay dumaan ang isang SUV na tumama sa kanya.
Parehong sinampahan ng kaso ang mga drayber ng van at SUV dahil sa reckless imprudence resulting in homicide at damage to property.
Na-impound na ang mga sasakyan habang sinisikap ng city hall na kontakin ang pamilya ng biktima.