Patuloy na humahampas sa ilang bahagi ng Visayas ang Bagyong Tino (Kalmaegi) habang ito ay kumikilos pakanluran patungong Cebu, ayon sa PAGASA.
Sa ulat ng ahensya kaninang 2 a.m., Nobyembre 4, unang nag-landfall si Tino sa Silago, Southern Leyte, at bandang 5 a.m. ay huling namataan sa karagatan ng San Francisco, Cebu.
Taglay ng bagyo ang hanging umaabot sa 150 km/h malapit sa sentro at bugsong hanggang 205 km/h, habang ito ay kumikilos sa bilis na 25 km/h pakanluran. Ayon sa PAGASA, ang lakas ng hanging dala ni Tino ay umaabot hanggang 300 kilometro mula sa sentro.
Kasalukuyang nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 4 sa ilang bahagi ng Leyte, Cebu, Bohol, Negros Oriental, Negros Occidental, Guimaras, Iloilo, at Antique.
Babala ng PAGASA, ang mga lugar na nasa ilalim ng Signal No. 4 ay maaaring makaranas ng mapaminsalang hangin na may bilis mula 118 hanggang 184 km/h, na banta sa buhay at ari-arian.
Pinapayuhan ang mga residente na manatili sa ligtas na lugar, sundin ang abiso ng lokal na pamahalaan, at mag-ingat sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa dala ng malakas na ulan at hangin.
