Isang makasaysayang hakbang ang ginawa ng Boy Scouts of the Philippines (BSP) matapos italaga si Shuvee Etrata bilang kauna-unahang babaeng Scout Ambassador.
Si Shuvee, na nakilala bilang housemate sa Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition, ay nagbahagi ng kanyang tuwa sa Instagram post na may caption na “Laging Handa” kasama ang mascots ng BSP. Tinawag naman siya ng kanyang talent agency na “The Nation’s Darling” na ngayo’y opisyal nang bahagi ng scouting family.
Sumunod si Shuvee kay Sparkle artist David Licauco, na siyang unang Scout Ambassador ng BSP noong nakaraang taon.
Ang BSP, na bahagi ng World Organization of the Scout Movement, ay itinatag noong 1936 at ngayon ay may higit 3.3 milyong miyembro—ginagawang ikalawang pinakamalaking scouting organization sa buong mundo. Nagsimula ang kilusang scouting sa Pilipinas noong 1910, panahon ng pananakop ng Amerika.
Itinakda rin ang Oktubre bilang Scouting Month alinsunod sa Presidential Proclamation No. 1326, s.1974, bilang pagkilala sa kasaysayan at kontribusyon ng Boy Scouts of the Philippines.
