Pinangunahan ni Shai Gilgeous-Alexander ang Oklahoma City Thunder sa panalo kontra Denver Nuggets, 127-103, Lunes ng umaga (oras sa Manila), sa likod ng kanyang 40-point explosion.
Tumabla muna ang Nuggets sa simula ng fourth quarter matapos bumangon mula sa 11-point deficit, pero dito na umarangkada ang Thunder sa pamamagitan ng isang 41-20 scoring run na nagselyo ng kanilang ikapitong sunod na panalo.
Si Gilgeous-Alexander, na itinuturing na pangunahing kandidato para sa NBA MVP ngayong season, nagdagdag ng siyam na puntos sa huling yugto para tapusin ang kanyang ika-11 40-point performance ngayong season. Sa tagumpay na ito, umangat ang Thunder sa 53-11 at papalapit na sa opisyal na pagpasok sa playoffs.
“Ang susi ay nakakuha kami ng mga stop sa depensa at na-execute namin nang maayos sa dulo,” ani Gilgeous-Alexander.
Kahit nagmintis ng siyam na beses sa kanyang 11 attempts sa three-point line, nagpatuloy pa rin si Gilgeous-Alexander sa pag-atake sa loob para mapanatili ang kanilang kalamangan.
“Mas gusto ko ‘yung mga easy baskets, doon ako komportable,” dagdag niya. “Hindi ko nakuha lahat ng tira na gusto ko, pero panalo naman kami kaya ayos lang.”
Samantala, itinanggi ni Gilgeous-Alexander na iniisip niya ang MVP showdown nila ni Nikola Jokic.
“Gusto ko ‘yung MVPs, gusto ko ‘yung All-Star, pero wala ‘yang halaga kung hindi ka mananalo,” aniya.
Nagbigay din ng suporta si Jalen Williams na may 26 puntos, habang si Chet Holmgren ay nag-ambag ng 14 puntos.
Sa panig ng Nuggets, nagtala si Jokic ng 24 puntos, 13 rebounds at siyam na assists, habang si Michael Porter Jr. ay may 24 puntos din.