Ibinasura ng isang federal judge sa Amerika ang mga reklamong sexual harassment na isinampa ng aktres na si Blake Lively laban sa kanyang co-star at direktor na si Justin Baldoni. Ang hidwaang ito ay nag-ugat sa naging karanasan nila habang ginagawa ang pelikulang It Ends with Us noong 2024.
Ayon sa desisyon ni Judge Lewis Liman, hindi pasok ang reklamo ni Lively sa ilalim ng federal law dahil siya ay itinuturing na isang independent contractor at hindi regular na empleyado. Dagdag pa ng korte, ang mga inirereklamong kilos ni Baldoni ay nangyari habang umaarte sa mga eksena, kaya mahirap itong ituring na harassment sa labas ng trabaho bilang mga aktor.
Sa kabila nito, hindi pa tapos ang laban para kay Lively. Tuloy pa rin ang pagdinig sa ibang bahagi ng kanyang demanda, kabilang ang reklamong retaliation o paghihiganti at breach of contract. Giit ni Lively, sinubukan ni Baldoni na sirain ang kanyang reputasyon sa publiko matapos siyang magsalita tungkol sa hindi magandang kapaligiran sa kanilang set.
Nakaplano ang civil trial para sa natitirang mga reklamo sa darating na Mayo 18. Samantala, nagpahayag naman ng katuwaan ang kampo ni Baldoni sa naging desisyon ng korte na bawasan ang mga seryosong paratang laban sa aktor.
