Panahon na para magdiwang, Filo-Carats! Mapapanood na sa mga sinehan sa Pilipinas ngayong Agosto ang concert film ng Seventeen na base sa kanilang “Follow Again” tour.
Inanunsyo ng SM Cinemas ang balita sa kanilang social media noong Miyerkules, Hulyo 17. Mag-uumpisa ang bentahan ng tiket sa susunod na linggo.
“Attention Filo-Carats. Muling mararanasan ang kasiyahan ng SEVENTEEN’s concert sa SEVENTEEN TOUR ‘FOLLOW’ AGAIN TO CINEMAS simula Agosto 21 sa SM Cinema! Abangan ang pagbebenta ng tiket sa Hulyo 23,” ayon sa kanilang post na may kasamang opisyal na poster ng pelikula.
Sa ngayon, nakakuha na ng 5,000 reposts at likes sa X (dating Twitter) at 5,000 shares at 1,300 likes sa Facebook ang anunsyo.
Sa isang video na ipinost sa YouTube channel ng grupo, inimbitahan ng Seventeen ang kanilang fans mula sa buong mundo na sariwain ang mga espesyal na sandali mula sa kanilang concert tour.
“Sariwain ang inyong mga paboritong sandali at lumikha ng bagong mga alaala kasama ang SEVENTEEN sa malaking screen,” sabi ni Vernon, isa sa mga miyembro ng grupo.
Gagamitin sa pelikula ang “cinematic cameras mula sa iba’t ibang anggulo” para maranasan ng mga manonood ang bawat nakakakilig na bahagi ng concert.
Ayon sa website, isasama rin sa pelikula ang live performances ng kanilang mga bagong kanta, kabilang ang title track na “Maestro” at ang unit tracks na “Spell,” “LALALI,” at “Cheers to Youth,” mula sa kanilang pinakabagong album na “17 Is Right Here.”
Samantala, kamakailan lang ay pinabulaanan ni Woozi, isa sa mga miyembro, ang mga balitang gumagamit ang grupo ng artificial intelligence (AI) sa pag-produce ng kanilang musika matapos sabihin ng BBC na ang kanilang bagong single na “Maestro” ay isang halimbawa ng paggamit ng AI sa creative process ng grupo.