Nilinaw ni Fr. Albert Delvo ng Manila Archdiocesan Parochial Schools Association na ang mga nakatakdang protesta sa Setyembre 21 ay nakatuon lamang sa laban kontra korapsyon at hindi para hilingin ang pagbabalik ni dating Pangulong Rodrigo Duterte o patalsikin si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay Delvo, bukas ang mga pagtitipon para sa lahat, ngunit malinaw na wala sa agenda ang panawagang pauwiin si Duterte na kasalukuyang nakakulong sa International Criminal Court sa The Hague dahil sa kasong crimes against humanity kaugnay ng war on drugs.
Dalawang malaking pagtitipon ang gaganapin: ang “Baha sa Luneta: Aksyon na Laban sa Korapsyon” sa Rizal Park, at ang “Trillion Peso March Against Corruption” sa People Power Monument sa Quezon City.
Binigyang-diin ni Delvo na hindi ito hakbang para pabagsakin ang administrasyon. Sa halip, pinuri pa niya ang direktiba ni Marcos laban sa iregularidad sa flood control projects at ang panawagan nina Sen. Ping Lacson, Mayor Benjamin Magalong, at Mayor Vico Sotto para imbestigahan ang mga anomalyang ito.
Samantala, iginiit naman ni UP Student Regent Ron Dexter Clemente na mahalaga ang papel ng kabataan sa laban kontra korapsyon, lalo’t lumalaki ang panawagan para sa pananagutan at reporma.
