Magpupulong sa isang all-senators’ caucus ang Senate of the Philippines upang magtakda ng mga panuntunan sa posibleng pakikipagdayalogo sa Chinese embassy kaugnay ng usapin sa West Philippine Sea (WPS), gayundin ang matagal nang pagliban ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa.
Ayon kay Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson, layunin ng caucus na maglatag ng malinaw na parameters sa pakikipag-ugnayan sa Beijing upang maiwasan ang lalong tensyon. Bukas ang talakayan sa minority bloc at inaasahang sasaklaw din sa iba pang mahahalagang isyung pambansa at panlabas na polisiya.
Nauna rito, nakatakdang makipagpulong si Erwin Tulfo sa mga opisyal ng Chinese embassy bilang paghahanda sa caucus. Pinuri ni Lacson ang hakbang na ito kasunod ng pahayag ng panig ng China na nais nitong pahupain ang umiinit na palitan ng salita sa ilang mambabatas.
Sa kabila ng pagbubukas ng linya ng komunikasyon, iginiit ni Lacson ang paninindigan ng bansa sa teritoryo nito, kabilang ang Pag-asa Island sa Kalayaan Island Group, na aniya’y isang aktibong barangay na may daan-daang residente, botante at estudyante. Nanawagan din si Kalayaan Mayor Beltsazar Alindongan sa mas maraming opisyal na bumisita sa lugar upang makita ang kalagayan ng komunidad.
Samantala, sinabi ni Lacson na dapat ding repasuhin ang Senate rules kaugnay ng sitwasyon ni Ronald dela Rosa, na hindi pa dumadalo sa mga sesyon mula pa noong huling bahagi ng nakaraang taon.
